-- Advertisements --

Kumpiyansa si Energy Secretary Sharon Garin na ang pagsisimula ng nuclear power program sa Pilipinas ay makatutulong upang maibsan ang mabigat na bayarin sa kuryente ng mga konsumer pagsapit ng taong 2030.

Ayon sa kalihim, kapag dumami na ang suplay ng kuryente sa bansa —lalo na mula sa mga alternatibong sources gaya ng renewable energy—ay posible umanong bumaba ang singil sa kuryente ng hanggang P2 hanggang P3 kada kilowatt-hour.

‘According to our simulation, pag-dumami yung supply natin specially in renewable it will lightly lower the price of electricity kung lahat ng projects ma-implement it will likely lower the price by P2 to P3 by 2030,’ ani Garin sa katatapos lang na Philippine International Nuclear Supply Chain Forum 2025 sa Taguig City.

Pero paglilinaw ni Garin, nakadepende pa rin ito kung tuluyang maisasakatuparan ang buong nuclear program ng bansa.

Matatandaang nilagdaan na ang Republic Act 12305, o ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM) Act, na layuning tiyakin na ang paggamit ng nuclear energy ay sumusunod sa international safety and regulatory standards.

Binigyang-diin din ni Garin na dahil sa mga makabagong teknolohiya, ang nuclear power ay mas ligtas, mas epektibo, at mas abot-kaya na ngayon kumpara sa nakaraan.