-- Advertisements --
WHO

Hindi na itinuturing pa bilang isang global health emergency ang sakit na COVID-19 na kumitil sa mahigit 6.9 million na mga indibidwal sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ito ay matapos na i-rekomenda ng Emergency Committee ng World Health Organization sa United Nations agency ang pagdedeklara ng pagtatapos ng public health emergency of international concern na COVID-19 na nagtagal sa loob ng mahigit tatlong taon.

Ngunit kaugnay nito ay binigyang diin ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na ang deklarasyong ito ay hindi nangangahulugan na ang coronavirus disease ay hindi na itinuturing pa bilang isang global health threat.

Ito aniya ay dahil sa nananatili pa rin ang banta ng nasabing sakit kahit na hindi na ito itinuturing pang emergency sa buong mundo.

Dagdag pa ng opisyal, malaki ang naiturong aral sa bawat isa ng COVID-19 at ang mga binago aniya nito sa ating buhay na dapat aniya nating panatilihin.

Kung maaalala, una nang idineklara ng WHO ang COVID-19 bilang highest level of alert noong Enero 30, 2020 na nagtulak sa buong mundo na isentro ang atensyon sa mga pagsasagawa ng mga pamamaraan laban sa mga banta sa kalusugan, kabilang na ang pagpapaigting pa sa bakunahan laban sa sakit na ito, at marami pang iba.

Matatandaan din na noong Enero 2021 pumalo nang hanggang sa mahigit 100,000 mga indibidwal na tinatamaan ng sakit na ito na unti-unti namang bumagal at nabawasan hanggang nitong Abril 24, 2023 batay sa impormasyong naitala ng WHO.

Bago pa man ang deklarasyong ito ng WHO ay una nang ipinatupad ng European Union ang pagtatapos nito sa kanilang mga nasasakupan noong Abril ng nakalipas na taon.