Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang magtatatag ng Department of Filipino Overseas and Foreign Employment (DFOFE).
Inaprubahan ng Kamara ang House Bill 5832 sa botong 173 na “Yes” at 11 na “No.”
Target ng panukalang ito na maitatag ang DFOFE na siyang tutugon sa lahat ng mga problema at pangangailangan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) pati na rin ng kanilang pamilya.
Kapag naisabatas na ito, ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang siyang tatayo bilang central body ng kagawaran.
Nakasaad sa panukala na magiging attached agencies ang Commission on Filipino Overseas at ang Overseas Workers Welfare Administration.
Ayon sa mga nagpanukala nito, aabot sa P5 billion ang kakailanganing pondo para sa bagong kagawaran.
Huhugutin ito sa kasalukuyang budget mula sa Office of Migrant Workers Affairs, Commission on Filipino Overseas, Philippine Labor Offices, International Affairs Bureau, POEA at OWWA.
Kung maalala ilang senador na rin ang matagal nang nagpapanukala hinggil dito.
Sinasabing nakabinbin sa Senate Labor, Employment and Human Resources Development Committee ang limang counterpart bills nito.