Ikinakasa na ng pamahalaan ang mga hakbang para mapauwi ng bansa ang nasa higit higit 200 OFW na biktima ng scam hub sa Myanmar
Ayon kay Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang mga Pilipino ay nakatawid na sa border ng Thailand. Bagamat wala pang tiyak na petsa kung kailan sila makakauwi, nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa gobyerno ng Thailand para sa kanilang repatriation.
Marami sa kanila ang naiwan ang pasaporte, kaya kailangan silang dumaan sa proseso ng dokumentasyon.
Dagdag pa ni Cacdac, siyam na Pilipino na ang nakarating sa Yangon. Patuloy pa rin ang DMW sa pagtanggap ng ulat tungkol sa kabuuang bilang ng mga Pilipinong biktima.
Muling pinaalalahanan ng DMW ang mga Pilipinong biktima ng scam hub sa Myanmar, o sinuman na may impormasyon tungkol sa sindikato, na agad itong iulat sa kanila.
Samantala, inatasan na ni Philippine National Police (PNP) acting Chief, PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga unit ng pulisya na tugisin ang mga sindikatong sangkot sa illegal recruitment.
Nakikipagtulungan na ang PNP sa kanilang mga counterpart sa ASEAN upang matukoy kung sino ang nagpopondo sa Transnational Scam Network.
















