-- Advertisements --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagpasa ng House Bill No. 5241, na magpapataw ng 6–12 taong pagkakakulong at ₱500,000 hanggang ₱2 milyon na multa sa sinumang sadyang nagpapakalat ng fake news na maaaring makasira sa kaayusan at seguridad ng bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Information, binuo ang isang Technical Working Group upang pag-isahin ang HB 5241, HB 2697, at 10 pang panukala. Kasama rin sa panukala ang mabigat na parusa para sa mga nasa likod ng troll farms, bot networks, at iba pang organisadong kampanya ng disinformation.

Babala ni Yamsuan, ang fake news ay maaaring “gamitin bilang sandata” upang manipulahin ang publiko at sirain ang demokratikong proseso, lalo na sa nalalapit na barangay elections kung saan maaaring lumaganap ang AI-generated fake content at deepfakes.

Mas mabigat na parusa ang ipapataw kung ang disinformation ay nakaaapekto sa national security, eleksyon, public health, o kung ito ay ginawa ng public officials, journalists, o influencers na may malaking audience, pati na rin kapag may kinalamang dayuhang suporta.

Hindi saklaw ng parusa ang satire, parody, opinyon, honest mistakes, at news reporting na ginawa nang may mabuting loob at tamang beripikasyon.

Bilang dating opisyal sa media affairs, iginiit ni Yamsuan na mahalaga ang matatag at tapat na daluyan ng impormasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko at lakasin ang demokrasya. 

Binanggit din niyang ang mga maling ulat tungkol sa umano’y kanselasyon ng loan ng South Korea at umano’y data breach sa isang fintech firm ay halimbawa ng fake news na nakakasira sa relasyon sa ibang bansa at kumpiyansa ng mga mamumuhunan.