Nagpahayag ng kanilang “unequivocal support” ang 39-member ng Northern Luzon Alliance sa House of Representatives sa pamamagitan ng isang manifesto kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, kung saan binibigyang-diin ang kanyang matatag na pamumuno.
Pinangunahan ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III ng Ilocos Norte ang pagpirma sa manifesto, kasama sina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan ng Ilocos Sur at Francisco Paolo Ortega V ng La Union.
Ipinahayag din ng grupo ang kanilang pagkakaisang paninindigan sa lahat ng lalawigan ng Hilagang Luzon.
Pinuri ng mga mambabatas si Speaker Dy dahil sa kanyang “matatag at nagkakaisang liderato,” paggalang sa lokal na awtonomiya at malinaw na legislative agenda na nakatuon sa economic recovery, agrikultura, imprastraktura, kapayapaan at kaayusan, kabataang pag-unlad at regional growth.
Nanawagan din ang alyansa sa mga kapwa mambabatas na huwag magpadala sa “political noise,” na anila ay nagdudulot ng pagkakahati, pagbagal ng trabaho at hindi kinakailangang kaguluhang politikal.
Hinimok nito ang buong Kamara at iba pang sektor na palakasin ang institusyon, pangalagaan ang demokratikong proseso sa pamamagitan ng pagtibay sa speakership ni Dy at isulong ang mga batas na nagpapabuti sa buhay ng bawat Pilipino.
Binigyang-diin ng bloc na hindi matitinag ang kanilang suporta kay Dy.
















