Buo ang suporta ng gabinete kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban na muna ang pagsasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) sa buong bansa para sa buwan ng Marso.

Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, para kay Pangulong Duterte, nais niya munang makita ang resulta ng vaccination program bago pag-aralang muli ang pagsasailalim ng bansa sa MGCQ.

Ayon kay Sec. Nograles, nagiging maingat lamang si Pangulong Duterte o nais lamang nito ng step-by-step approach sa paggawa ng desisyon.

Ipinaliwanag pa ni Sec. Nograles, pagtutulong-tulungan ngayon ng economic managers ng admistrasyon kung ano ang dapat pang gawin para maisalba ang ekonomiya o kung ano-ano pang mga sektor ng negosyo ang ppwede pang buksan kahit na nasa ilalim pa rin ng GCQ ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Layon umano nitong maisalba ang mga naghihingalong mga negosyo at hindi mawalan ng trabaho ang kanilang mga empleyado kasabay nang patuloy na pagtalima sa minimum health standards o safety protocols para ganap pa ring mailayo ang ating mga kababayan mula sa banta ng COVID-19.