CAUAYAN CITY- Isinusulong ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na gawing prayoridad ang mga specimen ng namamatay na mga COVID-19 suspects.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, sinabi niya na, ito ang nakikita nilang solusyon upang mas mapabilis pa ang paglabas ng resulta ng COVID-19 test ng mga namamatay na mga pasyenteng COVID-19 suspect.
Sinabi niya na naiintindihan nila ang hinaing ng mga kaanak ng mga namamatay na pasyenteng COVID-19 suspect kaya bumuo sila ng panibagong sistema upang maiwasang maghintay ng matagal ang mga naulilang pamilya.
Ayon pa kay Dr. Baggao, layunin nitong malaman agad ng mga pamilya ang resulta ng pagsusuri sa nasawing suspect patient bago magpaso ang itinakdang 12 oras na paglilibing .
Iminungkahi naman ni Dr. Baggao sa mga LGU at RHU at MHO na kung sakali mang makapagtala sila ng namatay na suspect patients na huwag ng idaan ang specimen samples ng pasyente sa Provincial Health Office sa halip ay idiretso na sa CVMC para mabigyan ng prayoridad.