Ipinag-utos na ngayon ng pamahalaan ang pagsiwalat sa personal information ng mga COVID-19 positive cases sa bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, pinagtibay nila ang polisiyang gawing mandatory ang pagsiwalat sa personal information ng mga COVID-19 patients upang sa gayon mapalakas ang contact tracing efforts ng pamahalaan.
“Para matulungan ang contact-tracing efforts ng ating pamahalaan, mandatory o required na po ang paglalahad ng personal na information pagdating sa ating mga COVID-19 cases,” giit ni Nograles.
Kasabay nito ay inanunsyo rin ni Nograles na ang Office of the Civil Defense (OCD) na ang siyang mangangasiwa sa contact tracing sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nauna nang hinimok ni Sen. Panfilo Lacson ang mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 na magboluntaryong isapubliko ang kanilang status upang sa gayon ay maalerto rin ang mga taong nakasalamuha ng mga ito at para mag-ingat na rin upang maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19 sa bansa.
Subalit kinontra ito ni Commissioner Raymund Liboro ng National Privacy Commission.