-- Advertisements --

Pinuri ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pilot rollout ng pamahalaan ng unified identification system para sa mga persons with disabilities (PWDs), na kanyang inilarawan bilang isang mahalagang hakbang tungo sa dangal, katarungan, at serbisyo para sa isa sa mga bulnerableng sektor ng lipunan.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinimulan na ang pilot implementation sa 35 lugar sa buong bansa, kabilang ang bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Bulacan.

Sinabi ni Romualdez, pangunahing may-akda ng House Bill No. 16 na naglalayong palawakin ang diskwento para sa mga senior citizen at PWDs, na patunay ito sa taos-pusong hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan at isulong ang kapakanan ng mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.

Layunin ng unified PWD ID system na ganap na wakasan ang paggamit ng pekeng ID at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga benepisyong itinakda ng batas. Tinatayang mahigit 200,000 PWDs ang makikinabang sa pilot rollout, at kapag lubos na naipatupad, inaasahang maaabot nito ang humigit-kumulang dalawang milyong PWDs sa buong bansa.

Bukod sa Bulacan, ilulunsad din ngayong linggo ang programa sa Pasay City, Muntinlupa City, at Santa Rosa City, Laguna. Kabilang din sa 35 LGUs na sakop ng pilot run ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Rizal, Cavite, Camarines Norte, Aklan, Bohol, Bukidnon, at South Cotabato.

Sa ilalim ng bagong sistema, ang mga LGU ang tatanggap ng aplikasyon, magsusuri ng kwalipikasyon, at mag-aapruba ng unified PWD ID sa pamamagitan ng kani-kanilang Persons with Disability Affairs Offices, habang ang NCDA naman ang mangangasiwa sa centralized ID printing.

Matatandaan na kinondena ni Speaker Romualdez ang laganap na pang-aabuso at paggamit ng pekeng PWD ID, na aniya’y nagdudulot ng pagkalugi sa mga negosyo at nagiging sanhi upang kuwestiyunin at pagdudahan ang mga lehitimong PWDs.

Sa paglulunsad ng unified ID, nanawagan si Romualdez sa mga negosyo, LGU, at mamamayan na maging aktibong katuwang sa pagpapanatili ng integridad ng sistema.

Tiniyak din ni Romualdez na patuloy na isusulong ng Kongreso ang mga panukalang batas para sa kapakanan ng PWDs.