-- Advertisements --

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na bawat piso sa 2026 national budget ay may pinaglalaanan, bawat gastusin dapat may pakinabang sa tao.

Sisiguraduhin din ni Speaker Romualdez na ang P6.793 -trillion na national budget ay may malinaw na purpose at makapaghatid ng malaking benepisyo sa taumbayan.

Ang 2026 NEP ay katumbas ng 22 porsiyento ng GDP ng bansa, at 7.4 percent mas mataas kaysa sa P6.326-trilyong badyet nuong nakaraang taon.

Ang may malaking alokasyon ay ang edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, panlipunang proteksyon, at seguridad sa pagkain upang mapanatili ang economic momentum ng bansa.

Ang plano sa paggastos sa susunod na taon ay nakaangkla sa Philippine Development Plan 2023-2028 at sa pangmatagalang pananaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Punto pa ni Speaker na ang NEP ay ang plano ng gobyerno na matupad ang hangarin sa ilalim ng Bagong Pilipinas na maging malapit ang gobyerno sa komunidad, magkaroon ng sapat at abot kayang mga pagkain, mas maraming paaralan, hospital , ligtas at secured na komunidad.

Pagtiyak ni Speaker Romualdez na magiging transparent, inclusive at worthy sa tiwala ng publiko ang paghimay nila sa pambansang pondo.

Ipinagmalaki naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na sa kauna-unahang pagkakataon, ang budget para sa basic and higher education ay matutugunan ang inirekumenda ng UNESCO spending target na nasa 4 percent ng Gross Domestic Product ng bansa.

Sa P1.224 trilyon, o 16.6 percent ng budget, ang alokasyon ay lumampas din sa UNESCO Education 2030 Framework requirement na 15–20 percent ng kabuuang public expenditure at lumampas sa global average na 14.2 percent.

Ang pagpopondo sa pangangalagang pangkalusugan ay tataas ng 23.6 porsiyento, sumasaklaw sa mga subsidy para sa PhilHealth, pinalawak na tulong medikal para sa mga mahihirap na pasyente, at mas mataas na badyet para sa mga ospital ng Department of Health—tumaas ng 20.2 porsiyento sa Metro Manila at 26.1 porsiyento sa mga rehiyon.

Kasama rin sa NEP ang mga pondo sa pagpapatakbo para sa Bukas Centers upang mailapit ang abot-kaya, de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad.