-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nauwi sa trahedya ang dapat sana’y masayang pagsalubong sa Bagong Taon ng pitong pamilyang nasunugan sa bahagi ng Zone 6 Gumamela Extension, Barangay Carmen nitong siyudad kaninang madaling araw.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa P750,000 ang danyos ng sunog kung saan lima ang totally burned, dalawa ang partially damaged at nadamay pa ang dalawang pampasaherong jeep.

Sinabi naman ni Carmen Barangay Kagawad Bernard Tagic, ang isa sa nagmamay-ari ng nasunog na bahay ay nag-out of town kaya hindi pa alam nito na sunog ang buong assets ng kanilang pamilya kabilang ang kanilang sasakyan.

Kaninang alas-6:00 ng umaga, ipinapatuloy ng BFP ang pagtukoy sa sanhi ng sunog.

Binanggit ng tatlong nakasaksi na mismong mga nangungupahan ng natupok na bahay, ang nag-iwan ng kanilang inihaw na barbeque na bumabaga sa gilid ng kanilang bahay at posibleng ito ang naging hudyat ng paglaki ng apoy.

Una rito, pag-aari ng pamilya Romeo Chong ang natupok na boarding house at inaalam pa ng mga otoridad ang mga pangalang ng iba pang natupok na bahay.