Ipinag-utos na ng Department of Justice (DoJ) oversight team na imbestigahan ang nangyaring pagsabog sa New Bilibid Prison (NBP) nitong umaga ng Biyernes.

Kasabay nito, nais din ni Justice Sec. Menardo Guevarra na makipag-ugnayan na si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa PNP para sa isasagawang imbestigasyon.

Pagkatapos ng imbestigasyon ay pinagsusumite si Bantag ng written report sa opisina ng secretary of justice.

Dakong alas-10:00 ng umaga nang nangyari ang pagsabog sa quadrant 4 ng NBP.

Ayon kay NCRPO Chief Maj. Gen Guillermo Eleazar, sa inisyal na resulta ng imbestigasyon, isang improvised explosive device (IED) ang sumabog.

Matapos ang clearing operation sa pinangyarihan ng pagsabog narekober din ang mga otoridad ang dalawang hand grenade at dalawang blasting caps sa loob ng mga barong-barong malapit sa quadrant IV.

Masuwerte namang walang nasugatan sa pagsabog at agad ding nailikas ang mga inmates sa lugar.

Lumalabas na mga miyembro ng Maute-ISIS group, Abu Sayyaf group, Rajah Solaiman group, Jimaah Islamiya at Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga extremist group ang dating nakaditine sa pinangyarihan ng pagsabog.