CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Task Force Bangon Marawi na makukuha na ang lahat ng mga hindi sumabog na powerful bombs na ginamit ng militar laban sa grupong Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) nang sumiklab ang engkuwentro noong 2017.
Ginawa ni AFP-Western Mindanao Command spokesperson Major Arvin Encinas ang katiyakan nang pinasabog nila ang 260 pounds bomb kasama ang ibang uri ng bomba sa ilalim ng lupa sa most affected area ng Marawi City noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Encinas sa Bombo Radyo na nasa 43 powerful unexploded bombs ang patuloy na pinaghahanap ng kanilang counterpart para tuluyang simulan ang full rehabilitation at reconstruction programs ng gobyerno.
Inihayag ng opisyal na kabuuang 70 malalakas na bomba ang nagamit ng Philippine Air Force na hindi sumabog na pinaulan sa lokasyon ng mga terorista, subalit nasa 30 pa lamang ang narekober.
Una namang tiniyak naman ni Task Force Bangon Marawi Chairman Secretary Eduardo del Rosario na sa loob ng Agosto ngayong taon ay matatapos na nila ang pag-ahon sa lahat ng mga bomba na hindi sumabog noong nasa kasagsagan ng giyera.