Mariing kinundena ng Department of Justice (DOJ) ang naging malagim na pagpaslang kay House of Representatives Committee on Ways and Means Chief of Technical Staff Director Mauricio ‘Morrie’ Pulhin kamakailan.
Sa isinapublikong pahayag ng naturang kagawaran, kanilang ibinahagi ang kanilang pagkundena sa naganap na pagpatay nang barilin si Pulhin nitong nakaraan lamang.
Maaalala na pinaslang si Mauricio habang nasa isang selebrasyon ng kanyang mismong anak na siyang ikinagulat at ikinagulantang ng mga kaanak nito at miski ng publiko.
Kaya’t dahil dito, inihayag ng kagawaran na makakaseguro umano ang taumbayan na sila’y magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa naganap na krimen.
Ayon kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, gagawin umano nila ang lahat ng makakaya at kapasidad ng ahensiya maresolba at matukoy lamang ang nasa likod at pasimuno ng pagpatay.
Aniya’y makikipagtulungan sila sa Philippine National Police at kanilang National Bureau of Investigation nang sa gayon ay mahanap na ang mga kriminal na sangkot sa naganap na pagpatay.
Kanilang seseguridahin din raw na mapapatawan at maipapatupad ang buong pwersa ng batas maisilbi lamang ang nararapat na hustisya.
Dahil dito’y nanawagan ang kasalukuyang kalihim ng Department of Justice sa publiko na isumbong o itawag sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyon na maaring magamit sa imbestigasyon lalo na ng mga otoridad.