Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Disyembre 2025 sa kabila ng ruling ng Korte Suprema noong nakalipas na taon na ito ay iligal.
Sa inihaing House bill no. 10344 ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, nilalayon nito na mailipat ang pagsasagawa ng susunod na local elections mula December 1, 2025 sa October 26, 2026 at sa kada 3 taon sa mga susunod na BSKE.
Ayon pa sa mambabatas, ang pagsasagawa ng susunod na BSKE sa orihinal na schedule ay nangangahulugan na mas maikli ang termino ng kasalukuyang mga opisyal para ma-exercise dahil noon lamang Oktubre ng nakalipas na taon isinagawa ang local elections.
Sa maikling panahon lamag din nila maisasagawa ang kanilang obligasyon para pagsilbihan ang kanilang kabaabyan at pananagutan na ma-exercise ang kanilang kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila ng mga bumoto sa kanila kung magsisilbi lamang sila sa loob ng 2 taon.
Sinabi din ng mambabatas na ang pinaikling termino ay makakalabag din sa probisyon ng 1987 Constitution at 1991 Local Government Code na nagsasaad na ang termino ng barangay at SK officials ay dapat na 3 taon.
Makakatipid din umano ng pondo dahil malaki ang ginugugol ng barangay para sa pagsasanay sa tueing mayroong bagong mga nahalal na opisyal.
Matatandaan na noong June 2023 idineklara ng Supreme Court ang Republic Act 11935 na nagpapaliban sa pagsasagawa ng BSKE mula sa kanilang inisyal na schedule na December 2, 2022 sa huling Lunes ng Oktubre 2023 bilang unconstitutional.
Ayon sa ruling ng Korte Suprema, nilabag ng batas ang due process, constitutional right ng mamamayang Pilipino na bumoto at pinagtibay sa pamamagitan ng grave abuse of discretion.