Pinagpapaliwanag ni House Justice Committee Chairman Vicente Veloso ang Bureau of Corrections (BuCor) sa mataas na bilang ng mga napapalayang “heinous” crimes convicts sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa organizational meeting ng komite, pinuna ni Veloso ang aniya’y “mabilis” na pagpapalaya sa mga heinous crimes convicts mula nang naipatupad ang GCTA noong 2013.
Batay sa presentation ng BuCor, natukoy na mula sa isang heinous crime convict na napalaya noong 2013 sa GCTA, umakyat ito sa kabuuang bilang na 2,160 sa kasalukuyang taon.
Sa naturang bilang, lumalabas ayon kay Veloso na mas mabilis pa ang pag-grant ng BuCor ng kalayaan ng mga heinous crimes convicts kaysa affirmation ng Supreme Court (SC) sa mga apela.
Lumalabas naman sa pag-usisa ni AKO Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin na magaan ang implementasyon ng GCTA.
Sa paliwanag ni Atty. Melencio Faustino, superintendent ng Davao Penal Farm na mayroon silang reformation officers na humahawak ng daily attendance.
Ito aniya ang nagrerekomenda ng suspensyon ng GCTA kapag mayroong paglabag ang person deprived of liberty (PDL).
Ayon kay Faustino, mayroon ding assignment card ang PDL kung saan makikita ang lahat ng violations.