CAGAYAN DE ORO CITY -Nais pigilan ng ilang mga senador na maaabusuhan ang bilyun-bilyong halaga ng pera na ipinagkatiwala ng gobyerno sa Department of Health (DoH) na nilalayong magagamit ng tama para epektibong malabanan ang coronavirus disease sa bansa.
Ito ang pagpapaliwanag ni opposition Senator Risa Hontiveros kung bakit inihain nito ang resolusyon sa kasagsagan ng kanilang regular session na nag-aatas sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa ahensiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Hontiveros na malinaw na walang motibo ng politika ang pagpapa-audit dahil kahit ang ilang mga senador na nagmula sa majority block ay sumama rin na mausisa ang kalagayan ng government funds ng bansa.
Dagdag ng senadora na tanging layunin ng anim pa nitong kasamahang mambabatas ay hindi magiging pinagmulan ng kurapsyon ang pandemya sa pamamagitan ng malawakang pagwaldas ng bilyun-bilyong buwis mula sa taong-bayan.
Magugunitang kaliwat-kanan ang batikos na tinanggap ng DoH dahil umano sa kawalan ng kahandaan matugunan ang pagtugon ng pandemya na naka-apekto na ng halos 90,000 buhay nang mahawaan ng virus.