Kinondena ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ginagawang political circus ang paglilitis ng International Criminal Court (ICC) at gumagamit ng “‘budolterte tactic” upang lituhin ang publiko.
Binigyang-diin ni Ortega na ang ICC ay nakatuon sa mga legal at aktuwal na usapin, at wala umanong lugar sa lehitimong paglilitis na ito ang mga political theatrics ng kampo ni Duterte, partikular na si dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ayon pa sa mambabatas, lalo lamang tumibay ang akusasyon na mas inuuna ng kampo ni Duterte ang pagpapa-awa sa publiko kaysa sagutin ang mga lehitimong alegasyon sa kasong kinakaharap nito sa ICC.
Binalaan din ni Ortega na habang patuloy na inililihis ng mga kaalyado ni Duterte ang usapin mula sa mga paratang ng crimes against humanity, lalo lamang nilang ipinapakita ang kakulangan ng kanilang tunay na legal na depensa.
Pinabulaanan din niya ang pahayag na ang paglilitis sa ICC ay isang pag-atake sa soberanya ng Pilipinas, iginiit na dinala ang kaso sa korte dahil hindi nabigyan ng hustisya ang mga biktima sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Hinikayat ng mambabatas ang kampo ni Duterte na itigil na ang panlilinlang sa publiko at makipagtulungan sa proseso ng batas.