CEBU CITY – Nagkakaubusan na ng pagkain ang mga grocery stores sa bansang Ukraine dahil sa tumataas na demand mula ng nagsimula ang sigalot nito sa Russia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Lavenna Dianne Mykhailovyach, isang Pinay na nakag-asawa ng Ukrainian, iniulat nito na pahirapan ang kanilang pagbili ng pagkain dahil wala ng stocks ang mga grocery stores.
Ayon kay Mikhailovyach na simula nang pumutok ang giyera ay dalawang beses lang silang nakalabas at nakabili ng pagkain dahil mahaba ang linya ng mga tindahan at swerte na lang kung makakaabot pa sila ng stocks.
Aniya, marami na ring mga grocery stores ang nagsara matapos na wala ng stocks na pumapasok.
Maliban pa sa pagkain, inihayag nito na pahirapan din ang kanilang pagtulog dahil sa gabi at madaling araw ay naririnig nila ang mga missile explosions.
Takot man ngunit hindi nila lilisanin daw ang kanilang apartment dahil hindi nila maiwan ang kanyang mother-in-law na 75-anyos na.