Hindi pinanigan ng National Privacy Commission (NPC) ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na ginamit ang Data Privacy Act para itanggi ang pagkakakilanlan ng mga inmate na namatay dahil sa COVID-19.
Ayon kay Privacy commissioner Raymund Liboro hindi maaaring gamitin ang nasabing batas para itakwil ang karapatan ng publikong malaman ang mahahalagang impormasyon.
“The Data Privacy Act is not a cloak for denying the public’s right to know.”
Mula nang pumutok ang ulat na namatay sa COVID-19 ang ilang high-profile inmate ng New Bilibid Prison, kabilang na si Jaybee Sebastian, ay tumanggi ang BuCor officials na maglabas ng kumpirmasyon.
Depensa nila, hindi maaaring pangalanan ang mga namatay na inmate alinsunod sa Data Privacy Act.
“High-profile inmates like Jaybee Sebastian had become public figures on account of their previous association with particular national issues in the past,” dagdag ni Liboro.
Pero nitong Lunes mismong si BuCor chief Gerald Bantag na ang nagkumpirma na kabilang si Sebastian sa 21 inmates ng Bilibid na namatay dahil sa COVID-19.
Paliwanag ni Liboro, malinaw na public interest ang paglalabas ng impormasyon hinggil sa pagkamatay ng high-profile inmates sa COVID-19.
“Especially when the personal information being sought is linked to issues already on the minds of the public.”