Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese national kasama ang kasabwat na tatlo pang mga Pilipino dahil sa trafficking.
Sa ikinasang operasyon ng NBI-Cybercrime Division at ng National Bureau of Investigation Special Task Force, bistado ang mga naturang indibidwal na sapilitang pinagtatrabaho pati ang mga menor de edad.
Isinagawa ang operasyon ng kawanihan matapos makatanggap ng intelligence report na nagtuturo sa isang Chinese national na si Hou Shilian na ginagamit ang mga bata bilang manggagawa.
Kasabay din nito ang pagkuha pa ng mga hindi dokumentadong dayuhan para pagtrabahuhin sa kanilang compound na matatagpuan sa Sual, Pangasinan.
Kwento ng mga biktima, ang ilan raw sa kanila ay mula pa sa Northern Samar na sapilitang pinagbubuhat ng mga pagkain at pinag-aalaga pa sa mga kulungan ng isda.
Kaya naman dahil dito ipinagmalaki ng kasalukuyang tagapagsalita ng National Bureau of Investigation na si Spokesperson Ferdinand Lavin ang matagumpay na rescue operation sa mga biktimang menor de edad.
Pati na rin sa pagkakaaresto ng mga indibidwal na siyang pasimuno ng iligal na operasyon ng fish pens.
Ngunit ibinahagi pa ng naturang tagapagsalita na tinitingnan rin nila rito ang paglabag sa statutory rape laws ng bansa sapagkat nadiskubre na ang dalawang menor de edad ay nabuntis pa.
Dagdag pa rito, ibinahagi ng mga biktima na sila’y pinangakuan ng buwanang kita na siyam na libong piso sa kanilang pagtatrabaho ngunit ito’y bigo nilang makuha.
Kakaharapin naman ng mga naarestong Chinese national kasama ang ilang mga Pilipino ang mga kasong Qualified Trafficking sa ilalim ng Anti-Trafficking Act of 2003, at paglabag sa batas ng R.A. No. 9231 o ang Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor.
Kakaharapin din nila ang mga paglabag sa batas ng R.A. No. 8550 o ang The Fisheries Code of the Philippines at ang RA. No. 12022 para sa kasong Economic Sabotage.
Dahil dito, mariin pang inihayag ng kawanihan na sila’y seryoso na mas lalong paigtingin ang mga operasyong isinasagawa laban sa mga kaso ng human trafficking dito sa bansa.