-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Gumawa na ng legal na hakbang ang Commission on Elections o COMELEC-Caraga laban sa isang watcher sa pulitiko nitong lungsod ng Butuan na nag-post ng fake news sa social media.

Ito’y ukol sa di umano’y hindi pagtugma sa inilabas na resulta ng Automated Counting Machine o ACM sa pangalan ng kandidatong kanyang ibinoto sa isinagawang final testing kahapon sa Brgy. Sto. Niño nitong lungsod ng Butuan kungsaan ang pangalan umano ng karibal nito ang lumabas sa makina.

Ayon kay COMELEC-Caraga regional director Atty. Edwin Cadungog, kaagad silang nagsagawa ng dalawang beses na recounting kahapon sa naturang makina kungsaan napatunayan nila sa mga dumalo pati na sa nasabing watcher, na ang mga botong naka-tally sa isinagawang vote testing, ay tugma sa ibinoto ng mga sumali sa mock election.

Dahil sa perwisyong hatid ng nasabing watcher, ay inisyuhan ito ng show cause order upang ipaliwanag ang kanyang ginawa na nag-iwan ng hassle sa mga miyembro ng Electoral Board.