Hindi ikinokonsidera ng Department of Migrant Workers (DMW) bilang banta sa mga Filipino nurses sa Abu Dhabi ang pagkamatay ni Reyna Jane Ancheta.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, bagaman nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya ng United Arab Emirates (UAE) ukol sa pagkamatay ng biktima, nananatili itong isang isolated case.
Hindi aniya ito banta sa kaligtasan at trabaho ng mga Filipino nurse na nasa lugar.
Ayon pa sa kalihim, tiwala ang DMW sa kakayahan ng mga imbestigador at law enforcers ng UAE na kasalukuyang humahawak sa kaso ni Ancheta.
Samantala, ngayong linggo ay posible nang makabiyahe ang mister ni Reyna Jane na si Kenneth Paul Ramel Ancheta patungong Abu Dhabi.
Ayon kay Cacdac, inaayos na lamang ang mga travel document ni Kenneth. Sasamahan din aniya ng isang abogado ang mister ng Pinay nurse upang makasama niya itong sumubaybay sa pag-usad ng kaso.
Si Reyna Jane ay nagtatrabaho bilang Nurse sa Al Raiaa Home Health Care sa UAE. Bago ito ay nagtrabaho na rin siya sa Saudi Arabia.