Ipinag-utos na ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ni PNPA 4CL Kenneth Ross Alvarado.
Si Alvarado ay nasawi noong July 8, 2020 dahil sa heat stroke.
Batay sa imbestigasyon ng PNPA, nakikilahok sa evening mess formation ang kadete sa Silang, Cavite nang mag-collapse ito.
Kaagad naman siyang nadala sa Academy Health Service at inilipat sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna kung saan siya binawian ng buhay dakong alas-9:56 ng gabi.
Siniguro naman ni PNPA director M/Gen. Jose Chiquito Malayo na magpapatupad sila ng karagdagang hakbang para hindi na maulit ang pangyayari.
Kabilang dito ang mandatory na pag-inom ng mga kadete ng hindi bababa sa 10 baso ng tubig kada araw at pagkakaroon ng bandolier na may dalawang baso ng tubig bilang bahagi ng kanilang uniporme.
Bukod dito, isasagawa rin ang ilang drills sa malilim na lugar at hahatiin sa dalawang bahagi at tatlong rounds ang progressive exercises ng mga kadete.
Ang PNPA class of 2024 ay mayroong 306 na kadete kung saan 254 dito ang lalaki, habang 52 ang babaeng kadete.