-- Advertisements --

Binubuo na ng Armed Forces of the Philippines ang bagong Strategic Defense Command na planong ilunsad ngayong taon.

Ang naturang command ang tututok sa mga joint military exercise kasama ang militar ng ibang mga bansa na kaalyado ng Pilipinas.

Paliwanag ni AFP spokesperson Col. Francel Padilla na mismong si AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. ang nag-utos sa pagbuo at tuluyang pagtatag ng naturang command. Layunin nitong magkaroon ang hukbo ng mabilis na reaction time sa anumang posibleng mangyari.

Bagaman wala pang timeline kung kailan tuluyang ilulunsad ang bagong command, sinabi ni Padilla na magiging operational na ito ngayong taon.

Isinasapinal na aniya ang istraktura ng naturang unit, kasama ang mga magiging miyembro, lider, at kabuuang composition nito. Plano ring gamitin dito ang ‘fusion triad’ model na nagsasama sa konsepto ng intelligence, civil-military operations, at military operations.

Sa pamamagitan nito ay inaasahang magkakaroon ng mabilis na decision-making na pangunahing hinahangad ng AFP.

Ayon kay Padilla, sasailalim muna ito sa provisional phase bago tuluyang opisyal na itatatag. Aniya, ang anumang military unit na bubuuin ay dapat munang sasailalim sa masinsinang pag-repaso upang maging akma sa pangangailangan ng sandatahang lakas.