-- Advertisements --
FB IMG 1611737873817

Posibleng maisantabi na ang anggulong homicide sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Base sa medico legal findings ng PNP Crime Laboratory na isinumite ng pulisya sa Makati court sa isinagawang preliminary investigation kaninang umaga, namatay sa pamamagitan ng natural causes ang flight attendant na si Dacera.

Nakasaad sa medico legal report na may petsang Enero 11, namatay si Dacera dahil sa ruptured aortic aneurysm na bunga ng pagtaas ng kanyang blood pressure.

Ang rape o drug overdose ay hindi rin umano magreresulta sa aneurysm.

Ayon pa sa medico legal report, ang “dilatation” o aneurysm sa aorta ni Dacera ay nasa chronic condition o malala na at nagsimula ito ilang taon na bago siya namatay.

At kahit hindi raw siya namatay noong bagong taon, mamamatay pa rin ito sa ano mang scenario o aktibidad na magpapataas sa kanyang blood pressure na magiging dahilan ng aneurysm o ang pagnipis ng blood vessel at paglobo nito.

Una rito, muling sumalang sa preliminary investigation ang naturang kaso at nakapagsumite na raw ang PNP ng kanilang supplemental evidence para mapalakas ang kanilang inihaing kaso sa mga respondents.

Kabilang daw dito ang partial results ng imbestigasyon maliban na lamang sa toxicology report. 

Sinabi ni Atty. Mike Santiago, abogado ng respondents na sina  John Pascual dela Serna, Rommel Galido, Clark Rapinan at Gregorio de Guzman na nakapagsumite na ang kanyang mga kliyente ng counter affidavits.

Ayon naman kay Atty. Raymund Martelino, abogado ng respondent na si Rey Englis, sa Lunes ay ni-require ng korte ang PNP na isumite ang buong video dahil ang kanilang isinumite raw ay edited o mga naputol ng mga clips.

Tumagal lamang ang pagdinig ng mahigit isang isang oras at ang humahak sa kaso ay si Makati Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan.

Una rito, inihayag ng talapagsalita ng pamilya Dacera na si Atty. Brick Reyes na naniniwala raw ang pamilya Dacera na minolestiya si Christine bago ito namatay.

Ipagpapatuloy naman ang preliminary investigation sa Pebrero 3.

Samantala, Ipinauubaya naman ni Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang paglalabas ng findings partikular sa toxicology report kaugnay ng isinagawang pagsusuri ng NBI forensic team sa mga specimen na nakuha sa katawan ng bangkay ng flight attendant bago ito ilibing .

Ayon kay Guevarra, handa na raw ang forensic team ng NBI na ilabas ang resulta sa mga susunod na araw.

Kaugnay nito, humingi rin daw ang NBI ng ilang specimen sa PNP maging ang kopya ng medical records ng 23-anyos na tubong General Santos City para makumpleto na nila ang kanilang findings.