Ipinapaubaya na ng Malacañang ang pagdedesisyon kung kakalas na rin ang Pilipinas sa United Nations (UN) partikular sa Commission on Human Rights na nag-adopt sa resolusyon ng Iceland para imbestigahan ang anti-drug war killings sa bansa.
Kung maaalala, nauna nang kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) dahil sa pagtanggap nito sa inihaing reklamong crime against humanity laban kay Pangulong Duterte kaugnay pa rin sa madugong anti-drug war.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bahala na si Pangulong Duterte dahil siya ang pangunahing arkitekto ng ating foreign policy.
Kasabay nito, idinepensa rin ni Sec. Panelo ang pagtanggi ng gobyernong makapasok sa Pilipinas ang mga UN investigators.
Ayon kay Sec. Panelo, kung seryoso sa kanilang pag-alala sa paglabag ng karapatang pantao dito sa Pilipinas, dapat ay magbigay lamang sila ng pormal na komunikasyon at tanungin kung ano ang mga patakaran sa anti-drug war ni Pangulong Duterte.
Pero hindi raw nila ginagawa ito, bagkus ay nakinig sa mga kasinungalingang nakakarating sa kanila at hinatulan ang pamahalaang nasa likod ng sinasabi nilang extra-judicial killings.
“Kagaya nga ng sinabi ko, hahayaan natin ang Pangulo ng bansa na magbigay ng kaniyang pantapos na posisyon dito— Final, final decision on this matter, sapagkat siya ang pangunahing arkitekto ng foreign policy sa ating bayan,” ani Sec. Panelo.