-- Advertisements --
Binan Laguna

Arestado ang isang top ranking New People’s Army (NPA) leader sa ikinasang Oplan Manhunt Bravo ng Laguna-Philippine National Police (PNP) bandang alas-11:50 kagabi sa Barangay Rosario, San Pedro City.

Kinilala ni Laguna PNP Police Provincial Director P/Col. Eleazar Matta ang suspek na si Antonia Setias Dizon alyas Tonet, 60-anyos, itinalagang Secretary of the National Organizing Department (NOD), CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front).

Si Setias ang pumalit sa puwesto ni Rafael Baylosis at Adelberto Silva na nahuli ng mga otoridad sa magkahiwalay na operasyon at kasalukuyang nakakulong.

Ang nasabing operasyon ay ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines partikular ang 202nd Brigade ng 2nd Infantry Division.

Si @TONET ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong murder na inisyu ni acting Executive Judge Lou Nueva ng Regional Trial Court Branch 7 ng Bayugan City, Agusan del Sur.

Nagpatupad din ng search warrant ang mga otoridad sa loob ng bahay ng nasabing NPA leader dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10591 at RA 9516 na inilabas ni Santa Cruz, Laguna RTC Executive Judge Cynthia Mariño-Ricablanca.

Nakuha sa kaniyang posisyon ang mga sumusunod:

  • 380 pistol loaded with 7 live ammos
    -48pcs of cal.38 live ammos
    -10pcs blasting caps at wirings
    -2pcs cellular phones
    -1pc laptop at mga suversive documents.

Samantala, ayon kay Southern Luzon Command (SolCom) commander Gilbert Gapay, ang pagkakaaresto kay Tonet ay malaking kabawasan sa kakayahan ng kilusang komunista na makapag-recruit ng mga bagong miyembro.

Si Dizon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Pedro City Police Office.

Sinabi ni Gapay, kaliwa’t-kanan ang pagkalagas ng puwersa ng CPP-NPA-NDF sa kanilang liderato at mga miyembro.

Katunayan nito lang nagdaang linggo ay nasa 65 CPP-NPA members ang nagbalik loob sa Bicol at aabot na sa 600 ang regular na NPA at militia ng bayan ang sumuko sa Southern Luzon ngayong taon.

Resulta aniya ito ng pinaigting na kooperasyon ng lahat ng ahensya ng pamahalaan at concerned groups sa direksyon ng National Task Force to End the Local Communist armed Conflict.

Nagpasalamat din si Lt. Gen. Gapay sa lahat ng mga komunidad na tumalikod sa CPP-NPA at idineklara ang mga komunista bilang persona non grata.