-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police oPNP na walang dapat ikabahala sa pagdami ng police personnel at checkpoints sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM bilang bahagi ng paghahanda sa Parliamentary elections sa Setyembre 14.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng pinaigting na seguridad na maprotektahan ang mga botante, election personnel at mga polling area, at maiwasan ang posibleng karahasan at iba pang banta.

Sa pinakahuling deployment, 9,821 pulis ang itinalaga sa rehiyon, kabilang ang 856 checkpoints.

Sinabi ni Nartatez na inaasahang madaragdagan pa ang checkpoints sa mga susunod na araw habang papalapit ang halalan.

Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Armed Forces of the Philippines, Commission on Elections at Local Government Units para mapanatili ang ligtas at maayos na halalan.

Ayon sa PNP Chief, hindi layunin ng mas mataas na police visibility na manakot o magdulot ng pangamba kundi tiyaking ligtas at malayang makaboboto ang mga residente.

Pinayuhan din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad habang ipinapatupad ang pinaigting na security measures.