Nakabantay na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa buong Bangsamoro Region, ilang araw bago ang nakatakdang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa September 14.
Pangunahing binabantayan ng AFP ang buong probinsiya ng Lanao del Sur kung saan nagpadala na ang militar ng kanilang mga kagamitan at karagdagang tauhan sa naturang lalawigan.
Kinabibilangan ito ng Sabrah tanks at ATMOS 155mm artillery, at mga armored at fire support assets.
Magagamit ito ng 10 batallion na kasalukuyang naka-deploy sa lugar.
Ayon sa AFP, bahagi ito ng election security measures upang madagdagan ang puwersa at kagamitan sa mga lugar na nangangailangan ng mas mahigpit na seguridad.
Ipadadala rin bilang karagdagang infantry forces ang 29th at 30th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon pa sa AFP, gagamitin din sa security operations ang mga Black Hawk at T129 ATAK helicopters para sa mabilis na paggalaw ng mga sundalo, surveillance at agarang pagtugon sa anumang banta sa seguridad.
















