-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang pagpapalabas ng subpoena para sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte mula 2007 hanggang 2025. Sa ika-25 araw ng impeachment trial ngayong Martes, Setyembre 15, ipinaliwanag ni Escudero na kinakailangan ang mga lumang rekord upang magkaroon ng baseline sa pagtukoy ng pagbabago sa idineklarang yaman ng Bise Presidente.

Isinalig ni Escudero ang kaniyang desisyon sa utos ng Korte Suprema sa kasong Office of the Ombudsman v. Bernardo noong Marso 2013. Binigyang-diin niya na ang pagtatag ng baseline figure ay mahalaga hindi lamang para sa panig ng prosecution kundi maging sa defense upang magkaroon ng malinaw na batayan sa pagkuwenta ng SALN sa buong termino ni Duterte bilang Bise Presidente.

Nilahad din ng presiding officer na ang pagpapahintulot sa subpoena ay hindi nangangahulugang pinalalawak ang mga sakdal laban kay Duterte upang isama ang mga umano’y ginawa niya bago pa man siya maging Bise Presidente. Tiniyak niya na gagamitin lamang ang mga naunang dokumento bilang sanggunian at hindi para sa pagdaragdag ng mga panibagong habla laban sa kaniya.

Ipinalabas ang naturang linaw habang patuloy na tinatalakay ng Senate impeachment court ang Article II ng kaso. Nakatuon ang naturang probisyon sa mga paratang ukol sa hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon sa SALN, at ang umano’y patuloy na pakikipagsosyo sa mga negosyo habang nasa pampublikong tungkulin.