BAGUIO CITY – Inamin ni dating PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group) chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na malaking abala sa trabaho niya sa lungsod ang kanyang pagtestigo sa mga hearing ng Senado ukol sa “ninja cops.”
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mayor Magalong, sinabi niya na ito ay dahil marami pang mga programa at proyekto sa lungsod na pinapabilis nilang matapos.
Ayon sa former PNP-CIDG chief, malaking hamon sa kanya kung paano niya ibalanse ang trabaho niya sa Baguio at ang pagiging resource person niya sa mga hearing sa Senado.
Gayunman, nakikita raw niya ang mga benepisyo ng kanyang ginagawa sa Senado kaya wala siyang pinagsisisihan sa kanyang mga naging rebelasyon ukol sa gawain ng mga ninja cops.
Aniya, ilang milyon din na kabataan ang maililigtas sa isinasagawang anti-drug campaign ng pamahalaan kung talagang totoo na nalinis na ang organisasyon ng pulisya na isa sa mga nagsasagawa ng kampanya.
Samantala, tiniyak ni Mayor Magalong sa mga taga-Baguio na walang dapat ipag-alala ang mga ito sa pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan dahil mayroon na siyang guidance para sa mga target ng lungsod sa bawat linggo.
Aniya, may mga itinalaga na siyang champion teams para sa pagkamit ng mga targets at ang kailangan na lamang niyang gawin ay magmonitor.
Sinabi pa niya na may City Administrator na magpapasiguro na kahit wala ang alkalde ay nagtatrabaho naman ang mga departments ng City Hall.
















