Labis na ikinabahala ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang umano’y sulat ng Calbayog Police na humihiling sa Regional Trial Court na bigyan sila ng listahan ng mga abogadong nagre-represent sa communist terrorist group personalities.
Tinawag ito ng IBP na improper, deplorable at alarming.
Sinabi pa ng IBP na ang hirit ng IBP ay posibleng mahirap tanggihan ng korte dahil na rin sa takot sa mga otoridad lalo na’t mayroong mga human rights lawyers na nagre-represent ng mga clients na hindi gusto ng pamahalaan.
Pero habang nanatili umanong mapagmatyag ang nasa legal profession, mananatili namang matapang ang mga abogado habang isinasagawa ang kanilang tungkulin.
Una rito, kinumpirma mismo ni Supreme Court (SC) spokesperson Brian Keith Hosaka, na natanggap daw ng Calbayog City Regional Trial Court (RTC) ang sulat na pirmado ni Police Lieutenant Fernando Calabria Jr.
Pero wala raw aksiyong ginagawa dito ang korte sa Calbayog.
Sinabi raw ni Calabria sa kanyang sulat na ang kanyang request ay bilang pagsunod na rin sa direktiba ng higher offices ng PNP.
Pero agad naman itong itinanggi ng Region 8 police head Police Brigadier General Ronaldo de Jesus.
Sinabi ni de Jesus na wala naman daw direktiba ang kanilang headquarters kaugnay ng naturang isyu.
Una rito, dumulog na sa Korte Suprema ang ilang grupo para itigil daw ang pag-atake sa mga miyembro ng legal profession.
Kasunod nito, ipinag-utos na rin ng Office of the Court Administrator sa mga huwes na magsumite ang mga ito ng inventory ng mga kasong kinasasangkutan ng karahasan laban sa mga abogado.