Hindi pa rin umano makuhang magpakampante ng mga pamilya ng biktima ng Maguindanao massacre matapos mahatulang guilty ang mga pangunahing suspek sa naturang krimen partikular ang mga magkakapatid na Ampatuan.
Ayon kasi kay Mary Grace Morale, na nawalan ng asawa at kapatid sa malagim na masaker, ang tagumpay daw nila ay hindi pa rin rason para hindi na sila matakot sa mga Ampatuan dahil marami silang mga galamay.
Dahil dito, hindi raw sila puwedeng magpahinga at kailangan nilang manatiling vigilant o mapagmatyag sa mga nakapaligid sa kanila.
Sigurado raw kasing gagamitin ng mga nakaditineng Ampatuan ang mga na-acquit sa kaso bilang kanilang mga galamay sa labas.
Naniniwala rin ni Ricardo Cachuela na nawalan ng kapatid sa November 29, 2009 mass slaughter na posibleng gamitin ang mga na-acquit sa kaso para sila ay harasin.
Hiniling din nito sa media na hindi dapat mawalan na ng interest sa isyu kahit tapos na ang promulgation of judgment at tutukan pa rin ang mga akusado dahil baka mabigyan sila ng special treatment sa New Bilibid Prison (NBP).
Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Ivy Maravilla ang asawa ng Chief of Reporter ng Bombo Radyo Koronadal na namatay sa malagim na krimen todo pasasalamat ito dahil nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Sa promulgation of judgment noong Disyembre 19, guilty ang naging hatol ni Quezon City RTC Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes sa makapangyarihan noon na mga Ampatuan clan kaugnay sa tinaguriang Maguindanao massacre case na nangyari sa Sitio Masalay, Barangay Salman, sa Ampatuan town sa Maguindanao.
Sa ibinabang promulgation of judgement na isinagawa sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kabilang sa senentensiyahang makulong ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon ay ang magkapatid na sina dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan at dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr.
Ang kanilang ama o patriarch na kasama rin sa mga akusado bilang principal suspect na si Andal Sr. ay inabswelto kung saan kung maalala ay pumanaw na habang nakadetine noon pang taong 2015.
Sa 761-page decision na ang ilang bahagi lamang ang binasa o dispositive portion, sinabi ni Judge Solis-Reyes na ang mga Ampatuans ay napatunayang guilty sa multiple murder sa massacre ng 57 katao sa Maguindanao noong taong 2009.