-- Advertisements --

Naniniwala ang isang military historian at defense analyst na dapat nang makialam ang Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) sa conflict sa pagitan ng Thailand at Cambodia para mapahupa ang tensiyon na kumitil na sa 32 katao at nagresulta na rin sa pagka-displace ng mahigit 131,000 katao sa Thailand habang mahigit 4,000 naman sa panig ng Cambodia.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay defense analyst Jose Antonio Custodio, sinabi nito na hindi pa nakikita sa ngayon ang pagkalma ng sitwasyon sa borders ng dalawang bansa subalit maaari aniyang humupa ang tensiyon kung mamagitan na ang ASEAN kung saan miyembro ang Thailand at Cambodia.

Hindi rin naiwasan ng defense analyst na punahin ang tila pagdistansiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng inilabas na statement ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa territorial dispute ng kapwa member states nito.

Iginiit din ni Custodio na dapat alam na ng ASEAN ang gagawin nito sa ganitong mga sitwasyon at dapat na maging proaktibo dahil hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng labanan sa pagitan ng member states nito dahil may ganito na ring nangyari noong World War II kung saan sumiklab ang maliit na giyera sa pagitan ng Thailand at China.

Saad pa nito na ang conflict sa Thailand at Cambodia ay problema ng ASEAN kayat ito ang dapat na unang mamagitan para sa peace talks sa pagitan ng dalawang bansa bagamat hindi naman nito binabalewala ang ginagawang hakbang ng UN Security Council para sa posibleng ceasefire.

Samantala, malayo aniyang magkaroon ng spillover o paglawak pa ng naturang conflict sa ibang lugar.

Nanawagan din ang defense analyst sa gobyerno ng Pilipinas na dapat na hayagang ideklara nito ang pagpagitan sa magkalabang bansa bilang peacemaker o tagapamayapa.

Samantala, nananatiling mataas pa rin ang tensiyon sa border areas sa pagitan ng Thailand at Cambodia sa ikatlong araw na ng labanan ngayong Sabado, Hulyo 26 mula nang sumiklab ito noong araw ng Huwebes, Hulyo 24.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Aljohn Argete Cañas, isang Pilipino na kasalukuyang nasa Bangkok, Thailand, limitado ang conflict sa border provinces subalit nananatiling maayos pa rin ang sitwasyon sa kabisera ng Thailand.

Ayon kay Cañas, idineklara na ang martial law sa border provinces sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon at inilarawan na nagkakaroon na rin panic doon at marami ng na-displace.

Ayon kay Canas, bagamat walang tensiyon sa mismong kabisera ng Thailand, nakapagtala aniya ng mga protesta partikular na sa mismong Embahada ng Cambodia na nakabase doon.

Agad naman aniyang naglabas ng notice ang Philippine Embassy sa Thailand sa mga Pilipino lalo na sa mga nasa border provinces na malapit sa conflict areas para sa mag-ingat ng husto at tumawag sa emergency contact hotline ng embahada sakaling mangailangan ng tulong.

Patuloy din aniya na pinag-iingat ng embahada ang mga Pilipino at umiwas na magtungo muna sa border provinces lalo na sa panig ng Cambodia.

Matatandaan, nag-ugat ang matagal na border dispute sa pagitan ng Thailand at Cambodia noon pang French colonial rule noong 1907 kung saan nabuo ang isang mapa na ginamit para ihiwalay ang Cambodia mula sa Thailand. Ginagamit naman ng Cambodia ang naturang mapa bilang basehan sa kanilang inaangking teritoryo, subalit hindi kinikilala ito ng Thailand at iginigiit na ito ay inaccurate.

Ilang mga bansa naman na ang umaawat sa Thailand at Cambodia na itigil na ang labanan.