-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi muna makapagsagawa ng ano mang pagtitipon ang local government unit (LGU) at ibang ahensiya ng gobyerno upang alalahanin sana ang sakripisyo at kung paano tinalo ang tangkang pag-okupa ng grupong Maute-ISIS sa Marawi City eksaktong tatlong taon ngayong araw.

Ito ay dahil dahil na rin sa banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na kumitil ng ilang buhay ng mga taga-Lanao del Sur kayat inilagay ang lugar sa general community quarantine.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliament Member Zia Alonto Adiong na sa halip na magtitipon sila kasama ang maraming pamilya na nawalan ng mga kabahayan, mas gusto nila makikita na bilisan pa ng gobyerno ang rehabilitation at construction ng lungsod para manumbalik na ang normal na pamumuhay nila.

Inihayag ni Adiong na tanging ang release ng panibagong pondo ang Department of Budget and Management (DBM) ang kanyang na-monitor upang gamitin sa pagpapatayo ng permanent shelters para sa mga Maranao na nawalan ng mga bahay.

Dagdag nito na malaki pa rin ang kulang sa tina-trabaho ng Task Force Bangon Marawi at target maipatayong muli ang 24 na barangay na pinangyarihan ng limang buwang engkuwentro kung saan napatay ang maraming mga terorista na kinabilangan ni Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon at magkapatid na Omar at Abdullah Maute noong Oktubre 2017.

Kung maalala, kada-taon ay inaalayan ng panalangin ng mga mahal sa buhay at mismong gobyerno ang mga sundalo at pulis na nagbuwis ng kanilang buhay sa Marawi City.