CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi dapat mawakasan ang diwa ng People Power Revolution I na sumi-simbolo kung gaano ka mahalaga ang demokrasya para sa sambayanan na hindi gustong magpa-kontrol ng isang diktador katulad sa ginawa ni late President Ferdinand Marcos Sr halos apat na dekada na ang lumipas sa bansa.
Ito ang pagsasariwa at pagbibigay halaga ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ng gugunitaing hindi madugo na rebolusyon ng taong-bayan subalit nagpatalsik kay Marcos Sr na nasa likod ng 14 na taon na kautusang batas-militar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,sinabi NUPL President Atty. Ephraim Cortez na hindi ordinaryong kilos subalit masyadong napakahirap ang sinuong ng maraming mga personalidad upang pabagsakin ang Marcos administration na nabalot ng maraming akusasyon katulad ng kurapsyon at mga abuso ng karapatang pantao.
Inihayag ni Cortez na kailan man ay hindi dapat maiwaksi sa kaisipan at damdamin ng sambayanan kung gaano pinahalagahan ng mga taong nagsakripisyo ng buhay maibalik lamang ang demokrasya na minsan nang ipinagkait dahil sa dikta ng kasakiman sa kapangyarihan.
Ito ang dahilan na kabilang ang NUPL na nagsusulong panatilihing buhay ang diwa ng People Power Revolution I kung saan nasa mahigit-kumulang tatlong milyong katao ang dumagsa sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) upang tuluyang wakasan ang naganap na paglapastangan sa Konstitusyon na ginawa ni Marcos Sr.
Magugunitang gabi ng Pebrero 25,1986 na lumayas ang buong pamilya Marcos kasama ang ilan sa mga kapanalig nito sa Malakanyang dahil na rin sa pangingialam ng Estados Unidos upang mailuklok na sa katungkulan ang totoong nanalo na pangulo noon na si Corazon ‘Cory’ Aquino na biyuda ni dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr.