CAUAYAN CITY- Tuluyan ng sinira ng pamunuan ng 5th Infantry Division Philippine Army ang mga Improvised Explosive Device (IED) na kanilang narekober mula sa ibat ibang bayan dito sa Isabela, Quirino at Mt. Province.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Rex Salibad ng 95th Infantry Battalion, sinabi niya na labis ang kanilang pasasalamat sa mga sibilyang naglakas loob na magbigay ng impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ng mga pampasabog dahil kung nagkataon ay magiging malaking dagok ito sa panig ng militar at sa mga sibilyan kung hindi nila ito narekober.
Aniya ang pagkakasamsam ng mga nasabing IED ay malinaw na patuloy na nilalabag ng NPA ang nakasaad sa Geneva Convention na nagbabawal sa paggamit ng mga IED billang pampasabog.
Magugunitang ibinunyag ni Ka Rony, isang rebel returnee na isa siya sa mga tinuruan sa kabundukan kung paano gumawa ng mga pampasabog at may isa pa siyang kasamahan sa loob ng kilusan na naturuan niya sa paggawa ng bomba.
Una na ring naalarma ang militar dahil sa pagkakarekober ng mga pampasabog.
Ilan sa mga pampasabog ay kusang isinuko ng mga sibilyang pinagpataguan ng mga rebelde.