-- Advertisements --

Aprubado na ng Kataas-taasang Hukuman ang paggamit ng ‘sign language’ sa mga pagdinig ng korte sa Hudikatura.

Sa naganap na ‘en banc session’ ng Korte Suprema, inaprubahan nito ang paggamit sa FSL Rules o ang Rules on Filipino Sign Language Interpreting in the Judiciary.

Alinsunod ang pag-apruba sa naturang panuntanan sa implementasyon ng Republic Act No. 11106 o The Filipino Sign Language Act.

Layon anila rito na maseguro ang pantay, at epektibong pagkamit ng katarungan sa mga d/Deaf Filipinos at padaliin ang kanilang buong partisipasyon sa mga pagdinig ng korte.

Ayon sa Korte Suprema, ang ‘Filipino Sign Language Rules’ ay ia-apply sa lahat ng ‘court proceedings’ kabilang na ang d/Deaf Filipinos ng Hudikatura, litigation stage, na may akmang pagpili sa mas gustong paraan ng komunikasyon.

Bilang konteksto, nakasaad sa ‘rules’ ang depinisyon ng salitang ‘deaf’ na may maliit na titik ‘d’ ay mga Pilipinong nawalan ng pandinig na maari o di’ maaring gumamit ng sign language o pakilala kabahagi ng Deaf community.

Habang ang salitang ‘Deaf’ naman na malaki ang titik ‘D’ ay mga indibidwal na gumagamit ng Filipino Sign Language at kabilang sa kanilang komunidad.

Dito nila binigyang linaw na ang lahat ng Filipino Deaf ay deaf, ngunit di’ lahat ng deaf Filipinos ay maituturing bilang Deaf.

Ang naturang inaprubahan panuntunan ay inaasahang magiging epektibo simula sa darating na ika-15 ng Disyembre sa kasalukuyang taon.