Magdedeploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng hanggang 17,000 personnel sa buong bansa para sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, masigurong ligtas ang mga pantalan, at biyahe ng mga sasakyang pandagat, sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Kalakip nito ay inatasan na rin ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil L Gavan PCG ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations na itaas ang antas ng alerto, at tiyakin ang tuloy-tuloy na patrol operations at at inspection sa mga pantalan at mga barkong bibiyahe.
Kabilang dito ang mahigpit na pre-departure inspection para mapigilan ang posibleng overloading, pagpapatupad ng maritime safety regulations, at pagsigurong walang nakakapagpuslit ng mga kontrabado, sa tulong ng iba pang law enforcement agencies.
Pinapatiyak din ni Gavan na mayroong 24/7 monitoring sa mga passenger vessel at mga natukoy na nautical highways o rutang tinatahak ng mga barko, lalo na sa mga pangunahing inter-island routes sa western at eastern seaboards.
Magdedeploy din ang PCG ng K9 units sa mga pantalan para mapigilan ang anumang illegal activities.
Inatasan din ng coast guard chief ang search and rescue units, medical teams, at deployable response groups na mag-standby sa lahat ng pagkakataon upang agad makatugon sa anumang maritime emergencies.
Kasama ng PCG sa pagpapatupad nito ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority, at local government units na may saklaw sa mga pantalan.














