-- Advertisements --

Tiniyak ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na ang paggamit ng fake o boodle money sa entrapment operation kay Franco Mabanta, founder ng isang online media network ay pinapayagan ng Korte Suprema.

Kasunod ito ng natanggap na batikos online sa umano’y paggamit ng P75 million cash sa operasyon.

Paliwanag ng NBI chief na bukod sa fake money ay naglaan din ang NBI ng totoong pera na nagkakahalaga ng P50,000 na may mga serial numbers bilang marked money.

Noong Miyerkules nga ay isinailalim na sa inquest proceedings ng NBI kasama ang apat pang indibidwal kaugnay ng reklamong robbery-extortion laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, isinagawa ang inquest proceedings noong Miyerkules ng gabi kaugnay ng paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code o robbery with violence against or intimidation of persons.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, umano’y nagtangkang mangikil si Mabanta at mga kasama nito ng P300 million kapalit ng hindi pagpapalabas ng isang video na nag-uugnay umano kay Romualdez sa sinasabing maanomalyang flood control projects.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Mabanta, “setup” lamang umano ang panghuhuli sa kanila at handa nilang patunayan ang kanilang inosente.

Sa kabilang banda sinabi ng NBI-Organized and Transnational Crime Division (OTCD), kabilang sa mga inirereklamo ang isang anchor sa naturang media network na umano’y kasama sa paghingi ng P300 million kapalit ng hindi paglalabas ng online content na umano’y magdidiin kay Romualdez.

Ayon pa sa mga awtoridad, may ilang bahagi umano ng video na ipinadala upang patotohanan ang bantang ilalabas ito bago isinagawa ang entrapment operation.