Inatasan na ng pamahalaan ang lahat ng ahensya nito na gumamit ng energy-efficient products at bigyang prayoridad ang pag-install ng solar rooftops bilang bahagi ng pagsisikap na bawasan ang pag-konsumo ng kuryente at isulong ang sustainability.
Ang kautusan ay ayon sa ipinasang resolusyon ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC) noong Setyembre 16, 2025, sa pangunguna ng Department of Energy (DOE).
Sa ilalim ng bagong polisiya, obligadong sumunod ang mga ahensya ng gobyerno sa itinakdang Minimum Energy Performance Standards (MEPS) ng Philippine Energy Labeling Program (PELP), upang matiyak na energy-efficient ang lahat ng binibiling kagamitan at appliances ng gobyerno.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, bukod sa pagtitipid ng gobyerno sa mga gastusin, layunin din nitong maging huwaran ang pamahalaan sa paggamit ng ”cleaner, smarter, at sustainable” na enerhiya.
‘By requiring energy-efficient products and prioritizing solar rooftops, we are not only reducing costs but also setting an example for every household, business, and community. This is more than compliance, it’s a statement of our firm resolve to build a cleaner, smarter, and more sustainable Philippines starting with the government,’ ani Garin.
Dagdag pa rito, nire-review na rin ng IAEECC ang isang Joint Memorandum Circular para magtatag ng mga Energy Efficiency and Conservation (EEC) Offices sa mga lokal na pamahalaan, upang makabuo ng sariling energy-saving programs sa bawat komunidad.
Muling magpupulong ang IAEECC sa Disyembre 2, 2025 upang ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mas ligtas at mas matatag na kinabukasan para sa bawat Pilipino.