Ipagpapatuloy ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang kanilang pagdinig hinggil sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) pandemic response ng pamahalaan.
Kinumpirma ito mismo ng chairman ng komite na si DIWA party-list Rep. Michael Aglipay matapos na bawiin kahapon sa plenaryo ng Kamara ang nauna nang inaprubahang committee report, kung saan inirekomenda nilang masampahan ng reklamo sina Health Secretary Francisco Duque III, dating Food and Drugs Administration chief Eric Domingo at isa pang opisyal.
Sa kanyang naging viber message sa mga reporter, sinabi ni Aglipay na muling bubuksan ang imbestigasyon upang mabigyan nang pagkakataon si Duque na madepensahan ang kanyang sarili at mailahad ang kanyang posisyon.
Paliwanag ni Aglipay, hindi kasi nakadalo si Duque sa mga nakaraang pagdinig ng komite sa kabila nang ilang imbitasyon na ipinadala sa kanya kaya nga akala nila ay wini-waive na rin nito ang kanyang karapatan na mapakinggan.
Kapag makuha na nila ang aniya’y “full picture” sa naturang imbestigasyon, saka pa lamang sila makakapagrekomenda ng mga maaring susunod na hakbang laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
“The house of representatives has always followed the rule of law. And in the constitution enshrined the principle of due process. The resource persons remain such and cannot be respondents unless he was able to attend all hearings and defend himself,” ani Aglipay.
Nang matanong ang kongresista kung ito rin ba ang gagawin sa hinaharap na hindi maglalabas ng committee report kapag mayroong resource person na hindi dadalo sa pagdinig, sinabi ni Aglipay na depende raw kung ang dahilan nang kanilang hindi pagdalo ay excused o hindi.
Martes ng hapon nang pinagtibay sa plenaryo ng Kamara ang committee report na nag-ugat sa congressional inquiry hinggil sa mga panuntunan ng Department of Health at Food and Drug Administration kaugnay ng pagrerehistro, regulasyon, paggamit, paggawa at distribusyon ng mga gamot kontra COVID-19.