-- Advertisements --
Menardo Guevarra

Nakasalalay pa rin umano sa assestment ng militar ang magiging susunod na hakbang ng Pangulong Rodrigo Duterte kung magdedeklara ito ng batas militar sa Negros Oriental kasunod ng mga patayang nangyayari doon.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, malalaman sa assestment ng militar maging ng PNP kung mayroon nga bang sapat na basehan para ideklara ang martial law sa naturang lugar.

Kabilang na raw dito ang mga kondisyong nasa batas gaya nang kung mayroon rebellion o invasion at kung mayroong banta sa seguridad ng mga residente doon.

Kaugnay nito, sa mga susunod daw na araw ay posibleng maglabas na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kanilang initial report sa isinasagawang parallel investigation.

Sa ngayon, tuloy-tuloy daw ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI para malaman ang puno’t dulo ng mga nagaganap na patayan.

Sinisilip din umano ng NBI ang anggulo kung ang teroristang New People’s Army (NPA) o ang paratang ng ilang militanteng grupo na kagagawan din lang ng pamahalaan ang naturang patayan.