-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng legal counsel ng mga petitioner na nagpapakansela sa kandidatura ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagpayag ng Commission on Elections (COMELEC) sa motion for extension ng kampo ni Marcos.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Theodore Te na posibleng ngayong araw ay maghahain sila ng motion to reconsider laban sa naging pasya ng poll body.

Labis na ikinagulat aniya nila ang pagpayag ng COMELEC Second Division sa motion for extension na hiningi ng kampo ni Marcos.

Ayon kay Te, hindi nila maintindihan kung mayroon nga bang ibinigay na “exception” ang COMELEC para sa dating senador kaya dapat maipaliwanag ng poll body kung bakit hindi nila sinunod ang kanilang sariling patakaran.

Malinaw naman kasi aniyang napaso na ang period na ibinigay ng poll body nang humingi ng karagdagang panahon ang kampo ni Marcos para makapagsumite ng kanilang sagot sa cancellation bid laban sa kandidatura nito sa pagkapangulo.

Kahapon, inilabas ng COMELEC ang isang dokumento na may petsang Nobyembre 10 kung saan nakasaad na mayroong justification sa hiling na extension ng Marcos camp.

Nakasaad din dito na ang petition to cancel sa certificate of candidacy ng dating senador ay “pending determination” pa lamang.

Binibigyan ng poll body ang kampo ni Marcos ng hanggang sa Lunes, Nobyembre 22, para sagutin ang apela laban dito.