CAGAYAN DE ORO CITY -Tinawag ng kilalang political analyst na si Professor Ramon Casiple na ‘out of place’ ang ginawa na hakbang ng Estados Unidos na magpatupad ng travel ban para sa iilang top government officials mula sa Pilipinas.
Ito ang reaksyon ni Casiple dahil mas kinatigan ng limang United States senators ang paghingi saklolo ni detained Senator Leila de Lima sa basehan na umano’y politically persecuted siya ng Duterte administration.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Casiple na karapatan ni Pangulong Rodrigo Duterte at taong-bayan na magalit dahil umano’y pagyurak ng kasarinlan ang ginawa ng Amerika na panghihimasukan ang internal affairs ng bansa.
Inihayag ni Casiple na makikita naman na tumatakbo ang proseso sa hustisya sa kaso ni De Lima dahil nakaaabot pa ito sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang pagka-aresto nito.
Subalit nilinaw rin nito na karapatan ng Estados Unidos na magpatupad ng anumang political actions sa loob ng kanilang nasasakupan.
Pinapahinahon rin ni Casiple ang dalawang bansa dahil hindi pa naman gumagana ang batas ng Amerika na naglalayong pagbawalan makapasok ang government officials mula Pilipinas.