Ipinag-utos ngayon ni PNP OIC Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang lahat ng chief of police na higpitan ang pagbabantay sa mga boundaries sa apat na probinsiya na nasa loob ng NCR Plus Bubble para maiwasan ang paglabas masok ng mga tao.
Layon nito para mapigilan ang pagtaas pa ng bilang ng mga COVID-19 cases.
Partikular na pinatutukan din ni Eleazar ang mga access roads o mga lusutan na posibleng gawing entry at exit point ng mga nagnanais na pumasok at lumabas sa NCR Plus Bubble areas.
Ayon kay Eleazar, ang bubble concept ay bago sa kanilang kapulisan kaya nagkaroon ng adjustment at corrections sa kanilang implementasyon.
Nilinaw din ni Eleazar na walang Quarantine Control Points (QCPs) na ise-setup ang PNP sa loob ng NCR lalo na sa mga exit points ng Metro Manila pwera na lamang kung ito ay sumusuporta sa mga QCPs na na-setup sa boundaries ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal para tumulong sa trapik.
Dahil sa kalituhan at problema sa mga checkpoints sa unang araw ng implementasyon kahapon, agad itong tinugunan na ng PNP.
Agad na nagkaroon na ng adjustment sa mga checkpoint na inilatag ng PNP sa mga boundary at naresolba ang mga kalituhan sa unang araw ng implementasyon nito.
Ayon kay Eleazar, tinawagan nito ang mga commanders na nakasasakop sa mga checkpoints na inireklamo gaya sa boundary ng Quezon city at San Mateo, Rizal.
Paliwanag ni Eleazar, expanded ang tinawag nilang NCR Plus Bubble kaya’t hindi na dapat mapigilan ang paggalaw ng mga tao mula sa Metro Manila papasok at palabas ng mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ang mga hihigpitan ay ang mga lalabas ng NCR Plus Bubble gaya ng Bulacan papuntang Pampanga at Nueva Ecija at mula Laguna papuntang Quezon at mula Cavite papuntang Batangas.
Nakiusap si PNP OIC sa publiko na unawain ang trabaho ng mga pulis sa mga checkpoints dahil naatasan lamang sila na ipatupad ang resolution mula sa IATF.
Binigyang-diin naman ni Eleazar na sa panahon na umiiral ang curfew ay may mga checkpoints na naka-set up sa mga strategic locations.
Mahigpit ang bilin ni Eleazar sa mga nagmamando ng mga checkpoints sa mga boundaries na tiyakin na mga essential workers lamang ang makakalabas at makakapasok sa NCR Plus Bubble.
Binilinan din ni JTF Covid Shield commander Lt Gen. Cesar Hawthorne Binag ang mga pulis na istriktong ipatupad ang minimum health safety standard protocols.
Inihayag din nito na naka-setup na sa ngayon ang mga QCPs sa mga major thoroughfares gaya ng boundaries ng Bulacan at Nueva Ecija; boundaries ng Rial at Quezon province; boundaries ng Laguna, Batangas at Quezon province at boundaries ng Cavite at Batangas.