Sisimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabakuna sa kanilang mga adult dependents kabilang ang mga batang may edad 12-anyos hanggang 17-anyos.
Ito’y matapos umabot na sa halos 100% sa PNP ang vaccinated ng Covid-19 vaccine.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF commander P/Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, kaniyang sinabi na ang itinakda nilang self imposed deadline para tapusin o i-wrap-up ang kanilang vaccination program ay nuong October 31, 2021.
Kaya inatasan ni Lt.Gen. Vera Cruz ang PNP Health Service (HS) na simulan ang pagbabakuna sa kanilang mga dependents sa NCR Plus.
Ang direktiba ni Vera Cruz ay epektibo kahapon November 1.
“Oct 31, 2021 ang self imposed deadline namin kaya starting today we will be administering yung remaining vaccines namin for our dependents within NCR plus para naman hindi maging problema pa yung transport of vaccines, including those dependents who are 12-17 years old, the priority of which will be determined by our PNP Health Service. Yung mga unvaccinated who will later decide to take the jab may do so in their respective localities since madami na nga na vaccines ang dumadating ngayon. We will also request additional vaccines for our dependents and newly recruited personnel once maubos na yung stock namin,” mensahe ni Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Batay naman sa datos ng PNP ASCOTF nasa 200,812 police personnel mula sa kabuuang 224,021 pwersa ng PNP ang bakunado.
Habang 20,325 personnel ang naghihintay ng kanilang second dose.
Ayon kay Vera Cruz, nasa 2,884 personnel naman ang ayaw magpabakuna kung saan 859 dito ay mayruong valid reasons gaya ng kanilang medical conditions.
Majority naman sa 2,025 na unvaccinated personnel ay nag execute ng waiver na ayaw talaga nila magpabakuna, habang ang iba ay naghihintay lamang ng availability ng bakuna sa kanilang mga localities.
“Actually sa 2,884 na unvaccinated 859 sa kanila ay may valid reasons kung bakit ayaw pa nila magpa bakuna. Majority naman dun sa 2,025 na unvaccinated ay nag execute ng waiver na ayaw nila talaga magpa bakuna though meron din sa kanila ang naghihintay pa ng availability of vaccines in their respective localities which hopefully will be addressed with the arrival of millions of vaccines as reported in the news. Mahirap din kase mag ship ng available vaccines in our inventory papunta sa mga malalayong lugar unless thru the authorized cold chain logistics provider to preserve the quality of vaccines,” mensahe na ipinadala ni Lt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Paliwanag ni Vera Cruz na malaking hamon kasi ang pagbiyahe ng bakuna mula sa kanilang inventory patungo sa ibat ibang rehiyon dahil nangangailangan ito ng authorized chain logistics provider para ma preserve ang quality ng mga vaccines.
Sa kabilang dako, bukod sa mga police dependents, nagsimula na rin ang PNP na bakunahan ang kanilang mga bagong recruit na mga Police personnel.
Sa ngayon nasa 9% na lamang sa PNP ang naghihintay ng kanilang second dose.
Umaasa ang Heneral na ngayong patuloy ang pagdating ng mga Covid-19 vaccine sa bansa ay mababakunahan na rin ang kanilang mga tauhan na naghihintay ng kanilang bakuna lalo na duon sa mga probinsiya.
Inihayag din ni Vera Cruz na may mga vaccine sa kanilang inventory ang nakatakdang mag expire ngayong buwan ng Nobyembre at mayruon din sa darating na January 2022.
Inatasan ni Vera Cruz ang Health Service na gamitin na ang mga nasabing bakuna para hindi masayang.