-- Advertisements --

Itinuturing ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magandang balita ang pagbaba ng “inflation” sa 1.3% nitong Mayo 2025, na pinaka-mababa mula noong 2019.

Ayon kay Speaker Romualdez na simple mang pakinggan, pero malaking bagay ito sa usapin ng panggastos ng mga pamilyang Pilipino.

Kapag hindi aniya tumataas ang presyo, mas kayang buhayin ang pamilya. Gumagaan din ang pasanin, may pambili ng bigas, may pamasahe, nababayaran ang kuryente at gamot.

Naniniwala si Speaker na malaking tulong din ang mga programa ng administrasyong Marcos Jr., na nakatutok sa pagkontrol ng inflation.

Tiniyak naman ni Romualdez na gumagawa rin ng paraan ang Kamara para mapababa pa ang presyo ng bigas, masuportahan ang mga magsasaka at maging mas abot-kaya ang mga bilihin at serbisyo.

Giit niya, hindi kasi dapat na maging kampante kahit bumaba ang inflation noong nakalipas na buwan, at sa halip ay magkaroon ng pangmatagalang ginhawa.